21st Floor. Going down. Aba'y akalain mo, minsan nga naman kapag di sinadya, dun may nangyayaring kakaiba, dun kayo magkakasabay. Sa elevator pa. Paboritong lugar mo na nga to eh. Mahaba haba kahit papaano ang lakbayin, 21st to 2nd floor. Apat na corners lang, kaya hindi ka matatakbuhan. Winner.
Minsan naman. Paakyat ka, palabas sila ng elevator. Yuyuko ka na lang. Kunyari wala kang nakita, sabay lingon para tignan kung lilingunin ka ren. Medyo adik lang. Pero effective. Kasi nasaktan ka sa pag-aassume mo. Hindi sya lumingon.
Talo ka kapag dalawa lang kayo na sasakay sa elevator, hindi sya sasakay kasi. Dahil may dalawa pang option, hihintayin nya either yung service elevator o kaya yung sirang elavator na dumadaan every floor. Makaiwas lang sayo. Hanep ano? Palos eh.
Pero kapag kasama ang tropa. Ang tahimik mo. Lahat ata ng salita nalunok mo. Puro ka tawa at hagikgik. Anong nangyare? Wala. Na-tense ka. Habang sya, kausap mga tropa mo at nakikipag biruan sa kanila. Bigti na. IKAW lang ang dine-deadma na. Nilaglag ka pa nila.
Sa elevator kasi, minsan hindi ka makakapamili. Wala kang choice ika nga. Parang love lang. Bakit mo nga naman ipagsisisksikan kung alam mong puno na, pero wala kang choice minsan kundi sumakay. Lalo na kung umusog ang sakay para makapasok ka. Pero once na makapasok at makasakay ka na, bababa ka pa ren once na nakita mong "overloading" na.
Naisip ko lang. Masaya ako sa elevator na to. At hindi ko pa sya kayang iwan.